OFW, NAGREKLAMO NA MAY MGA NAWALANG GAMIT SA KANYANG BAGAHE

Isang babaeng overseas Filipino worker (OFW) na nawalan umano ng ilang gamit sa kaniyang balikbayan box ang nanawagan kay Pangulong Rodrigo Duterte na aksyunan ang mga kalokohan na patuloy daw na nangyayari sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Sa ulat ng GMA News TV's State Of The Nation nitong Miyerkules, inilabas ng OFW na si Corazon Maquirang ang kaniyang matinding sama ng loob sa pagkawala umano ng ilang mahahalagang gamit sa kanyang balikbayan box.


Ayon sa OFW, sa bahay na lang niya napansin na anim na plastic na naglalaman ng mamahaling mga pasalubong ang nawala umano sa kaniyang kahon.
Patuloy niya, napansin niya sa ibabaw ng kahon ang tape na may tatak na Transportation Security Administration o TSA ng Amerika.


Tila nais umanong palabasin ng salarin na sa Amerika binuksan at ininspeksyon ang kaniyang kahon.
Subalit nang makipag-ugnayan daw siya sa TSA sa pamamagitan ng e-mail, ipinaliwanag sa kaniya na kung sa US binuksan ang kahon, dapat na may kasama o nakalagay din sa bagahe na "notice of inspection" o NOA.
Dapat din daw na mayroon itong sticker na may barcode sa ilalim para ma-trace kung sino ang nag-inspeksyon sa bagahe.

Kaugnay nito, nangako naman si Ed Monreal, spokesman ng Manila International Airport Authority, na iimbestigahan nila ang insidente. -- FRJ, GMA News

Previous
Next Post »